Monday, November 28, 2011

Anong Sama ng Aliw?


Anong Sama ng Aliw?

Ngunit ano naman ang sama sa pag-aaliw? Wala. Pagkat kung tutuusiý aliw namang talaga ang nilalayon ng lahat ng uri ng sining, alalaong baga ’yang pagpupukaw sa damdamin ng tao, damdaming maaaring sukatin sa luha, ngiti o adrenalin. Aliwang sinisipat ng lahat ng anyong pansining, at siyang ikinabubuhay at ikinatatampok ng mga ito.

Isa pa, hindi naman aliw sa pangkalahatan ang ating pinupuntirya rito, kundi yaong uri ng aliw na ipinapahayag ng katagang “palabas”. Ito ang aliw na walang iniwan sa engkantong naglilipag sa manonood sa daigdig na ginagalawan niya. Ito ang aliw na nagsilbing lagusan para sa palatakas, ang aliw nalaging papalabas at walang panahong umarok at kumilatis sa panloob na halaga ng tao’t alin man, ang aliw na hindi nagdidili-dili at lalong hindi nagsusuri.

Mahirap sukatin ang pinsalang nagagawa ng pagpapahalaga natin sa aliw. Walang kaunlarang maaasahan sa mga taong umuupo lang at manood ng pelikula kaysa lumabas at gumawa ng pagbabago. Paano ba uunlad ang ating bansa, kung ayaw harapin ng Pilipino ang mapapait na katotohanan ng kanyang lipunan, kung lagi na lamang siyang nagkakandarapa sa mga palabas na panay iyakan, kiligan, tawanan, sigawan at “kakornihan.”

Papaano malulunsad at maglalayag ang ating pasiya tungo sa pagbabago, kung lagi na lamang napapahupa at napanlalamig ang ating galit at alab sa dilim at gayumang mga sinehan.

Kung opyo and simbahan para sa mga “Indio” noong panahon ng Kastila, opyo ring matatawag ang sinehan para sa ating mga kababayan ngayon, bagama’t ang huliý higit na malakas pagkat higit itong laganap at kagiliw-giliw.

Ngunit di natin iminumungkahi na patayin na lamang at sukat ang tradisyon ng aliw. Ito ang pagkakamaling kinabalahuan ng ilang kabataang director na ibig gumawa ng pelikulang “de-kalidad”. Tanging iminumungkahi rito ang pagpapalawak at pagpapayaman sa kahulugan ng katagang aliw.

Iminumungkahi naming na ang luhang ngayo’y rumaragasa sa ating mga pisngi dahil sa mga suliraning kinakaharap ng tambalang Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz sa kanilang mga pelikula ay tumulo sanang “papaloob”, sa paraang banayad at mapait, dahil sa pakikiramay ng manonood sa makatunayang tauhan at mga sitwasyon.

Gayundin naman, ang tawang pinagbubunghalit sa manonood ng mag-bespren nina Eugene Domingo at Ai-Ai de las Alas ay bumukal naman sana sa pagisisiwalat sa kawalang-katwiran ng mg bisyo o sakit o kabaliwan ng tao at ng lipunang Pilipino.

At ang adrenalin na ngayo’y inaaksaya natin sa pagsubaybay sa kagilagilalas na pakikipagsapalaran ni Bong Revilla bilang Panday ay mabubuo naman sana sa pakikiisa sa mga taong nagdaranas ng makatunayan at makabuluhang uring pakikibaka.

Sa gayon, uunlad ang kahulugan ng aliw, at magbubunga ito ng catharsis na hindi makapagpapahupa kundi manapa’y makapagpapataas sa ating pagkaunawa sa ating lipunan at makapagpapaalab pang lalo sa ating pagpapasiyang baguhin ang bulok na lipunan.

"Bakyang" Pelikulang Kano


"Bakyang" Pelikulang Kano

Pinatibay ang tradisyon ng aliw ng pagdating at paglaganap ng mga pelikulang Amerikanong tinawag noong “bakya”. Ang mga bakya ang sapin sa paa ng halos lahat ng Pilipino noon. Ngayon, maihahalintulad ang mga ito sa “flip-flops”. Bakya man o flip flops, ang dalawang ito ay sumisimbolo sa variety o pagkakaiba-iba ng mga pelikulang nauuso ngayon. Halimbawa, tulad ng isang bakya, ang isang pelikula ay maaaring simple o puno ng "burloloy" sa paligid. Ang mga pelikulang musical noong dekada ng 1930 at 1950 ang nagbunyag sa Pilipino ng kakaibang uri ng sayaw at awit, na kamangha-mangha ang ibayong kulay at kislap, at ang mga komedi iskit na ginagampanan ng mga komikong nagsusupalpalan ng pagkain, nagtutulakan, nagbabasaan, at “nagpapataasan ng ihi.”

Sa kabilang dako, pinadurobdob ng soap opera ng Amerikano and hilig ng mga Pilipino sa mga dramang kakapiranggot ang gasgas pang paksa, ngunit ga-bundok ang nililikhang bulang damdamin. Gayundin naman, ang mga “action films” mula sa Kanluran, tulad ng serye ng pelikula ni James Bond, o ng mga maaaksyong tagpo sa mga serye ng “Mission Impossible,” ang bumuhay at nagpatindi sa ating pagka-uhaw sa dugo, patayan at sa di-pangkaraniwang bagay o pangyayari (mga kotseng lumilipad o sumisisid, mga palasyong laboratoryong nakabaon sa lupa, presensiya ng mga de-kalibreng baril o pampasabog, mga tangke at helicopter, atbp.) na dati’y natutungyahan lamang sa komedya. Madalas natin itong mamalas sa mga pelikulang nababalot ng kababalaghan at pantasya, sa tuwing may kakalabanin ang bida na mula sa ilalim ng lupa o maging sa ibang planeta.

Ngayon, aliw pa rin ang layon at buhay ng pelikulang Pilipino. Maliban sa mga superstar, ang aliw na hain ng isang pelikula ang nagpapasiya kung magtatagumpay o babagsak ang pelikulang iyon. Kaya naman, pumipila pa rin ang mga probinsiyano, iskwater, mga taga-siyudad, propesyunal man o hindi, para mamasdan ang pagbuhos ng emosyon ni Bea Alonzo, ang pag-agos ng luha ni Anne Curtis, ang realistikong pag-arte ni Coco Martin sa mga karakter na ginagampanan sa kanyang mga pinag-bidahang mga “indie” na pelikula, sa mga paulit-ulit at ginaya na mga istoryang ipinalalabas ngayon sa sinehan.

Ngayo’y ginto pa rin sa takilya si Dolphy, kahit na gayo’t gayon din ang labas niya – bilang kura-na-may-kakaibang-pangalan (Father Jejemon), bilang si Juan (Nobody, Nobody but… Juan), bilang katambal ng isa ring sikat na komediante na si Vic “Bossing” Sotto (Dobol Trobol) o bilang si Upoy na nakatira sa tabi ng ilog (Home Along Da River). Iniihit pa rin ng tawa ang manonood sa mga pagbabatukan, pagkakantiyawan, at pag-aasaran nina Jose, Wally, Pooh, at Pokwang.

Gayundin naman, “patok” sa takilya ang mga prinsipe-superman na isinapelikulang komedya. Tingnan na lamang ang popularidad nina Robin Padilla, Ramon “Bong” Revilla, Cesar Montano at ang yumaong “The King” na si Fernando Poe Jr. Kahit gaano kababaw o kagasgas o kasabog o kasabaw ang istorya, taos-bulsa ang pagtaguyod natin kay Ronnie Poe, basta’t tirisin lamang niyang parang lisa ang lahat ng Paquito Diaz sa mundong ibabaw.

Natitiis natin ang surot, libag at tigas ng upuan sa ating pagtunganga sa mga pelikulang walang tinutungo ang pinagtagpi-tagping eksena ng labanan, mahika at pantasya. Ngayon, milyon-milyon ang ginugugol buwan-buwan sa paggawa ng mga “fantasy films”. Mula sa pag-arte ng mga nagsipagganap hanggang sa paglalapat ng mga kamangha-manghang “special effects,” nagbubuwis ng maraming oras ang mga prodyuser para masigurado ang pagpapakita ng labanang mano-mano at/o pangkat-pangkat, sa karate, espadang samurai, sibat, punyal, kutsilyo, tsaku, kadena at bolang bakal, at lahat ng uri ng armas, at minsan pa’y sinasamahan ng mga halimaw tulad ng serpiyente, demonyo, higante at dragon. Ang mga ganitong uri ng pelikula ngayon ang kadalasa’y nangingitlog ng ginto. At siyempre hindi rin pahuhuli ang ngayo’y laganap na mga “horror” films o mga pelikulang kadalasa’y may madilim na aura at may nakapangingilabot na mga nilalang. Di katulad ng mga karaniwan na istorya kung saan ang mga manonood ay mapaluluha o mapatatawa, ang layunin nito’y magkaroon ng negatibong emosyon sa mga manonood sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga kinatatakutan – ito’y maaaring isang bagay, nilalang, espiritu, o kahit tao rin. Kaya kung minsan ay mapapatili talaga ang mga manonood sa mga nakagugulat at nakagigimbal na eksena mula sa mga sikat na Pinoy horror movies gaya ng “Gabi ng Lagim” ni Jose Miranda Cruz at ng ngayo’y muling sumisikat na serye ng mga pelikulang “Shake, Rattle and Roll."

Hindi lingid sa mga prodyuser na Pilipino na nasa dugo pa rin ng ating mga manonood ang tradisyong musical na kinatawan noong ng sarsuwela. Maraming prodyuser noon ang nagkamal ng yaman sa paggawa ng mga pelikulang may awit at sayaw, tulad ng Dalagang Bukid na ipinalabas noong 1919 at tinampukan ng noo’y “Reyna ng Kundman” na si Atang de la Rama at ng Roses and Lollipops na binigyang –buhay ng tinig-pulot na si Nora Aunor. Ngayon, kahit mula noong nakalipas na sampung taon, bibihira na lamang hanggang sa wala ang gumagawa ng mga pelikula na mayroong elemento ng sarswela, ngunit ito’y madalas na gamiting dagdag panlasa sa mga kwento ng pag-ibig o kaya nama’y pakikipagbakbakan.

Naging napakalakas na tradisyon ng pang-aliw sa ating mga manonood kung kaya’t di kalabisang sabihin na rito mauugat ang kababaan ng uri ng pelikulang Pilipino, sa nakaraan man o sa kasalukuyan. Ang tradisyong ito ang sinakyan ng mga sugapang prodyuser na ayaw nang lumihis sa kinamihasnang pormula ng mga dramang siyang dinudumog ng madla. At tradisyong ito na rin ang nagpasikat na bigla sa mga di-kilalang Pilipinong umangkop sa mga istiryotipong papel para sa mga istoryang matanda pa sa humukay sa ilog.

Masaya ang may Palabas


Masaya ang may Palabas


Aliw ang katangiang pinakahanap-hanap ng masa sa mga dulang napanood nila sa panahon ng Kastila, at maging sa panahon ng Amerikano. Noon, tulad ngayon, nasusumpungan ang aliw sa mga sumusunod na sangkap ng dula: bakbakan, iyakan, sayawan, kantahan at tawanan.

Noong panahon ng Kastila, dinumog ng mga taumbaryo ang mga komedya (na karaniwang tumatagal nang tatlo hanggang siyam na araw), dahil sa mga batalya, o labanan, ng mga prinsipe at/o prinsesa, at "ehersito" ng mga kahariang Moro at Kristiyano. Halos kalahati ng kabuuang oras ng pagtatanghal ng komedya ang inilalaan sa mga batalyang pasayaw, na sinasaliwan ng "karanasang" tinutugtog ng musikong bumbong.

Ito'y di dapat pagtakhan pagkat karaniwan nang ulitin o pahabain kaya ang labanan, lalo't kung "nasarapan" o kinagiliwan ng manonood ang nakatutuwa o kakaibang paraan ng pakikibaka ng prinsipe o prinsesa, sa punyal, espada o sibat. Masusukat ang pagkagiliw ng manonood sa labas ng isang personahe, sa kanilang tilian, sigawan, palakpakan, o sa barya at regalong pinauulan sa entablado.

Sa kabilang dako, tawanan at iyakan naman ang uri ng aliw na inihahain ng sinakulo sa taumbaryo. Dahil maaaring "dagdagan" at "imbentuhin" ang katauhan at gawain ng masasamang tao sa sinakulo (erehe ang humipo man lamang sa tradisyunal na paglalarawan kay Kristo at mga banal), tunay na kinagigiliwan ang mga kontrabidang tulad ni Hudas na umiindak at kumakanta ng usong himig na naririnig sa radyo, habang pinagbibili niya si Kristo, at pati na si Barabas, na pinasasayaw na parang malimali ni Dimas. Sa kabilang dako, naaaliw din ang kababaihan sa kanilang pagluha't pakikiramay kapag hinahampas, tinatadyakan at sinasampal na ng Hudyo si Kristo.

Ang sarsuwela naman ang humubog at nagpatatag ng hilig ng masang manonood sa mga awitan at sayawan. Ang kundimang inaawit ng magsing-irog sa "ilaim ng punong manggang" nakapinta sa telon, ang balseng sinasayawan ng mga personaheng mag-aaliw sa "bukid," ang dansa o tanggong halos isigaw ng nagyayabang na binata, ang balitaw na ginawang sagutan ng dalawang nagpapatawang utusan–ito ang mga sangkap na ipinagtagumpay ng sarsuwela at siyang lumikha ng unang mga superstar na tulad ni Atang de la Rama.


Sa kabilang dako, kakaibang aliw naman ang hangad ng manonood ng drama, alalaong baga'y yaong uri ng aliw na pinadadama ng namumugtong mata at "nagtutubig" na ilong. Kinagiliwan ng masokistang manonood ang paghagulgol sa mga istoryang de-kahon, na lagi nang umiinog sa maganda-ngunit-mahirap-na-kasamang-dalaga, na "nilalampaso"ng mapanlait na salita ng donya, o sa uhuging musmos na kinukurot at sinasabunutan ng makikiring madrasta, o sa mahihinhing lalaking lagi nang niyayanig ng tisikong ubong wari'y lalansag sa manipis niyang dibdib, o sa taos-kung-umibig-na-dalagang tumalikod sa mayamang magulang, upang "sundin ang tibok ng kanyang puso," at ngayo'y lapnos na ang manipis na kamay sa paglalabada.

Sa panahon ng Amerikano, lalo pang pinaanghang ng bodabil at stage show ang mga sangkap na kinagiliwan sa mga nasabi nang dula. Pinadami at ginarbuhan nito ang mga awit at sayaw ng sarsuwela, at dinugtungan pa mandin ng makabagbag-damdaming drama. Sa gayo'y lalo pang namihasa ang manonood sa tradisyon ng ngawaan at ngisngisan.

Ngunit, bago pa man dumating ang mga Kastila’t Amerikano, ay may sarili na tayong paraan ng pag-aaliw. Hindi maikakaila ang pagkahumaling natin sa katatakutan at kababalaghan o pantasya, na siyang nag-ugat sa mga kwento ng ating mga ninuno – kasama na rito ang mga halimaw na tulad ng aswang, kapre, tiyanak at nuno. Ang mga ito ay bahagi ng pasalindilang panitikan na kung hindi man pinaniniwalaan ay siya namang nakaeengganyo sa mga tagapakinig. Ang mga alamat at epiko nating mga Pilipino, pati na rin ang mga kababalaghang bumabalot sa ilang mga lugar sa ating paligid, ang siyang nagbigay-daan sa pagkahumaling ng mga manonood sa mga pelikulang may kaparehong paksa.

Ngunit sa pagdaan ng panahon ay tila may ilang nag-iba. Kung ang mga ito’y nananatiling totoo hanggang ngayon sa mga programa sa telebisyon, pagdating sa mga pelikula, halimbawa, mas sumisikat na ang paulit-ulit na tema ng pagtataksil katulad na lamang sa “No Other Woman,” “My Bestfriend’s Girlfriend,” at “In Your Eyes.” Mas dumadalas na rin ang mga babaeng palaban, o kung hindi man ay bahagi ng gitnang uri ng lipunan, hindi katulad ng nakasanayan na kung hindi man napakahirap, ay siya namang napakayaman. Tumutulo rin ang ating mga luha para sa mga inang lagi na lamang naghihirap, o di kaya nama’y inaayawan ng kanilang mga anak.

Sa kabila nito, marami pa rin ang nananatiling totoo. Bagaman wala nang umaawit ng kundiman ngayon sa mga pelikula, ang sarsuwela ang masasabing nagpasikat sa mga mang-aawit tulad nila Sarah Geronimo at KC Concepcion na pumatok sa takilya nang sila’y naging bida sa mga pelikula, at sa pasayaw na paggalaw ng mga tauhan sa iba’t ibang nakakatawang pelikula.

Ninanais din makita ng mga manonood ang mga nakakatindig-balahibong nilalang, katulad ng mga naikwento ng kanilang mga magulang, lolo’t lola, maging ng kanilang kanunununuan. Katulad naman ng mga bida sa epiko, ang panonood ng pakikipagsapalaran ng isang bida, katulad ni Vic Sotto sa “Enteng Kabisote,” sa isang daigdig na ibang-iba sa ating kinagisnan – may mahika at mga diwata – ay nagbibigay aliw sa mga manonood.

Masasabing nag-iba na ang ating panlasa, ngunit mas akmang sabihing lumawak lamang ito nang kaunti sapagkat hanggang sa ngayon ay naiimpluwensyahan pa rin tayo ng mga elemento ng sarsuwela, sinakulo, stage shows at mga mito – mahilig pa rin tayo sa mga tawanan, iyakan, sayawan, kantahan, katatakutan at bakbakan na may halong kababalaghan. Tila may pormula pa rin sa pangingiliti sa ating mga manononood. Nasasanay ang mga manonood sa mga pelikulang ito – ang tiket na kanilang binibili upang manood sa mga pelikulang ito ang siyang nagiging tiket nila sa panandaliang aliw dito sa mundong kanilang ginagalawan at nais takasan.


Si Kristo, Ronnie Poe, at Iba Pang “Idolo”: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino


Ang sanaysay na "Si Kristo, Ronnie Poe, at Iba Pang 'Idolo': Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino" ay orihinal na katha ni G. Nicanor Tiongson noong 1979. Ilang dekada na ang dumaan, ngunit ang nakararami sa mga argumento na matatagpuan dito ay nananatiling totoo. Upang maibahagi sa henerasyon ngayon ang sanaysay na ito, minarapat naming baguhin ang ilan sa mga halimbawa at dagdagan at bawasan ang mga argumento upang mas sumalamin sa mga pelikulang Pilipino ngayon. Ang orihinal na teksto ng mga argumentong aming binago ay maaaring matagpuan sa http://tinyurl.com/pelikulaorig. Ang buong teksto nama'y matatagpuan sa Burador, pahina 57-72.


Si Kristo, Ronnie Poe, at Iba Pang “Idolo”:
Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino
ni Nicanor G. Tiongson
binago nina Gianna Ganal, Joaoie Pascual, Bogs Sularte at Charlene Tolentino.



Hindi mapasusubalian ninuman na ang pelikula ang siya nang isa sa mga pinakapopular na broadcast medium sa Pilipinas ngayon. At wala nang higit pang mabisang patunay dito kundi ang mga sinehan na ring namumutiktik sa mga siyudad at patuloy na nagsusulputan ngayon sa iba’t ibang bayan ng Sangkapuluan, mula Aparri hanggang Jolo. Utang sa pelikula ang pagiging institusyong pambansa ni Nora Aunor, ang patuloy na pagsikat nina Vice Ganda at Vic Sotto at pati na ang napakabilis na paglaganap ng wikang Pilipino. Ano pa nga’t kung halaga rin lamang pag-uusapan ay masasabing hinalinhan na ang sinehan sa ating panahon ang simbahang siyang iniungan ng buhay ng ating mga ninuno noong panahon ng Kastila.


Kung gayon na nga kasidhi ang pagkahumaling ng Pilipino sa pelikula, karampatan lamang at napapanahon na, na ating suriin ang mga values o pagpapahalagang matatagpuan sa at pinalalaganap ng pelikula. Sapagkat, sa ayaw nati’t sa gusto, ang mga pagpapahalagang ito, at pati na ang pananaw na kaakibat ng mga ito, ang siyang humuhubog at patuloy na humuhubog sa kamalayan ng karaniwang Pilipino sa ating panahon.

Kung pakasusuriin ang samo’t saring pelikulang pinag-ubusan natin ng popcorn at sweldo sa mga nakaraang taon, tila lumalabas na ang pagpapahalagang matatagpuan sa ating mga pelikula ay yaon pa ring mga negatibong pagpapahalagang namana ng pelikula sa tradisyunal na mga dulang pinaghanguan o pinaghiraman nito ng paksa, pamamaraan, at pati na pananaw. Sa mga pagpapahalagang ito, ang apat na masasabing pinakalaganap, pinakamatatag, at pinakamapaminsala ay maipapahayag sa mga susunod na pangungusap: Maganda ang Maputi, Masaya ang may Palabas, Mabuti ang Inaapi at Maganda pa ang Daigdig.

Ilang bagay tungkol kay Nicanor Tiongson

Ang mga sumusunod ay mga piling salin ng mga naging katungkulan ni G. Nicanor Tiongson na nakalista sa blog na ito :

Si Nicanor Tiongson ay isang kritiko, malikhaing manunulat at propesor sa Pilipinas. Mayroon siyang titulo na Bachelor of Humanities galing sa Unibersidad ng Ateneo de Manila at MA at Ph.D sa Philippine Studies galing sa Unibersidad ng Pilipinas. Isa siya sa mga magpatayo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino at kasalukuyang propesor ng Film and Audiovisual Communication sa College of Mass Communications sa UP Diliman.

Siya ay nakatanggap ng Australian Cultural Award sa kanyang pananaliksik ukol sa kulturang Pilipino. Ito ay nagdulot ng dalawang pangunahing pag-aaral sa pelikulang Pilipino: Kasaysayan at Estetika ng Sinakulo at Ibang Dulang Panrelihiyon sa Malolos and Kasaysayan ng Komedya sa Pilipinas.

Siya ay naging bise-presidente at tagapangasiwa sa sining ng Cultural Center of the Philippines (CCP) mula 1986 hanggang 1994. Dinaan niya sa bagong direksyon ang CCP, at gumawa siya ng planong pag-uunlad ng kultura na nagpanibago sa saklaw ng CCP Outreach Programs sa buong bansa. Nagbigay-daan din siya upang makilala ang mga mangangatha sa mga lalawigan. Patuloy siyang nagsusulat ng kasaysayan at kritisismo ukol sa lokal na sining at kultura na nagsisilbing sanggunian ng mga akademiko at mag-aaral.

Malaki ang kanyang naging tungkulin habang sa kanyang maikling panunungkulan bilang direktor ng Movie and Television Censorship and Review Board (MTRCB) ukol sa isang kontrobersiya sa pelikulang "Live Show." Ang pelikulang ito ay nagpapakita ng mga babae at lalaki na nagpapalabas ng mga gawaing sekswal sa mga club sa Maynila. Tinanggap ito para sa Berlin Film Festival. Pagkatapos ay ipinagbawal ito ni Archbishop Jaime Cardinal Sin, na nagsasabing imoral ito. Nagbitiw agad si Tiongson pagkatapos ipagbawal din ng dating Pangulong Gloria Arroyo ang "Live Show." Sabi ni Tiongson na baka na napilitan lang ang pangulo dahil sa kapangyarihan ng simbahan.