Monday, November 28, 2011

"Bakyang" Pelikulang Kano


"Bakyang" Pelikulang Kano

Pinatibay ang tradisyon ng aliw ng pagdating at paglaganap ng mga pelikulang Amerikanong tinawag noong “bakya”. Ang mga bakya ang sapin sa paa ng halos lahat ng Pilipino noon. Ngayon, maihahalintulad ang mga ito sa “flip-flops”. Bakya man o flip flops, ang dalawang ito ay sumisimbolo sa variety o pagkakaiba-iba ng mga pelikulang nauuso ngayon. Halimbawa, tulad ng isang bakya, ang isang pelikula ay maaaring simple o puno ng "burloloy" sa paligid. Ang mga pelikulang musical noong dekada ng 1930 at 1950 ang nagbunyag sa Pilipino ng kakaibang uri ng sayaw at awit, na kamangha-mangha ang ibayong kulay at kislap, at ang mga komedi iskit na ginagampanan ng mga komikong nagsusupalpalan ng pagkain, nagtutulakan, nagbabasaan, at “nagpapataasan ng ihi.”

Sa kabilang dako, pinadurobdob ng soap opera ng Amerikano and hilig ng mga Pilipino sa mga dramang kakapiranggot ang gasgas pang paksa, ngunit ga-bundok ang nililikhang bulang damdamin. Gayundin naman, ang mga “action films” mula sa Kanluran, tulad ng serye ng pelikula ni James Bond, o ng mga maaaksyong tagpo sa mga serye ng “Mission Impossible,” ang bumuhay at nagpatindi sa ating pagka-uhaw sa dugo, patayan at sa di-pangkaraniwang bagay o pangyayari (mga kotseng lumilipad o sumisisid, mga palasyong laboratoryong nakabaon sa lupa, presensiya ng mga de-kalibreng baril o pampasabog, mga tangke at helicopter, atbp.) na dati’y natutungyahan lamang sa komedya. Madalas natin itong mamalas sa mga pelikulang nababalot ng kababalaghan at pantasya, sa tuwing may kakalabanin ang bida na mula sa ilalim ng lupa o maging sa ibang planeta.

Ngayon, aliw pa rin ang layon at buhay ng pelikulang Pilipino. Maliban sa mga superstar, ang aliw na hain ng isang pelikula ang nagpapasiya kung magtatagumpay o babagsak ang pelikulang iyon. Kaya naman, pumipila pa rin ang mga probinsiyano, iskwater, mga taga-siyudad, propesyunal man o hindi, para mamasdan ang pagbuhos ng emosyon ni Bea Alonzo, ang pag-agos ng luha ni Anne Curtis, ang realistikong pag-arte ni Coco Martin sa mga karakter na ginagampanan sa kanyang mga pinag-bidahang mga “indie” na pelikula, sa mga paulit-ulit at ginaya na mga istoryang ipinalalabas ngayon sa sinehan.

Ngayo’y ginto pa rin sa takilya si Dolphy, kahit na gayo’t gayon din ang labas niya – bilang kura-na-may-kakaibang-pangalan (Father Jejemon), bilang si Juan (Nobody, Nobody but… Juan), bilang katambal ng isa ring sikat na komediante na si Vic “Bossing” Sotto (Dobol Trobol) o bilang si Upoy na nakatira sa tabi ng ilog (Home Along Da River). Iniihit pa rin ng tawa ang manonood sa mga pagbabatukan, pagkakantiyawan, at pag-aasaran nina Jose, Wally, Pooh, at Pokwang.

Gayundin naman, “patok” sa takilya ang mga prinsipe-superman na isinapelikulang komedya. Tingnan na lamang ang popularidad nina Robin Padilla, Ramon “Bong” Revilla, Cesar Montano at ang yumaong “The King” na si Fernando Poe Jr. Kahit gaano kababaw o kagasgas o kasabog o kasabaw ang istorya, taos-bulsa ang pagtaguyod natin kay Ronnie Poe, basta’t tirisin lamang niyang parang lisa ang lahat ng Paquito Diaz sa mundong ibabaw.

Natitiis natin ang surot, libag at tigas ng upuan sa ating pagtunganga sa mga pelikulang walang tinutungo ang pinagtagpi-tagping eksena ng labanan, mahika at pantasya. Ngayon, milyon-milyon ang ginugugol buwan-buwan sa paggawa ng mga “fantasy films”. Mula sa pag-arte ng mga nagsipagganap hanggang sa paglalapat ng mga kamangha-manghang “special effects,” nagbubuwis ng maraming oras ang mga prodyuser para masigurado ang pagpapakita ng labanang mano-mano at/o pangkat-pangkat, sa karate, espadang samurai, sibat, punyal, kutsilyo, tsaku, kadena at bolang bakal, at lahat ng uri ng armas, at minsan pa’y sinasamahan ng mga halimaw tulad ng serpiyente, demonyo, higante at dragon. Ang mga ganitong uri ng pelikula ngayon ang kadalasa’y nangingitlog ng ginto. At siyempre hindi rin pahuhuli ang ngayo’y laganap na mga “horror” films o mga pelikulang kadalasa’y may madilim na aura at may nakapangingilabot na mga nilalang. Di katulad ng mga karaniwan na istorya kung saan ang mga manonood ay mapaluluha o mapatatawa, ang layunin nito’y magkaroon ng negatibong emosyon sa mga manonood sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga kinatatakutan – ito’y maaaring isang bagay, nilalang, espiritu, o kahit tao rin. Kaya kung minsan ay mapapatili talaga ang mga manonood sa mga nakagugulat at nakagigimbal na eksena mula sa mga sikat na Pinoy horror movies gaya ng “Gabi ng Lagim” ni Jose Miranda Cruz at ng ngayo’y muling sumisikat na serye ng mga pelikulang “Shake, Rattle and Roll."

Hindi lingid sa mga prodyuser na Pilipino na nasa dugo pa rin ng ating mga manonood ang tradisyong musical na kinatawan noong ng sarsuwela. Maraming prodyuser noon ang nagkamal ng yaman sa paggawa ng mga pelikulang may awit at sayaw, tulad ng Dalagang Bukid na ipinalabas noong 1919 at tinampukan ng noo’y “Reyna ng Kundman” na si Atang de la Rama at ng Roses and Lollipops na binigyang –buhay ng tinig-pulot na si Nora Aunor. Ngayon, kahit mula noong nakalipas na sampung taon, bibihira na lamang hanggang sa wala ang gumagawa ng mga pelikula na mayroong elemento ng sarswela, ngunit ito’y madalas na gamiting dagdag panlasa sa mga kwento ng pag-ibig o kaya nama’y pakikipagbakbakan.

Naging napakalakas na tradisyon ng pang-aliw sa ating mga manonood kung kaya’t di kalabisang sabihin na rito mauugat ang kababaan ng uri ng pelikulang Pilipino, sa nakaraan man o sa kasalukuyan. Ang tradisyong ito ang sinakyan ng mga sugapang prodyuser na ayaw nang lumihis sa kinamihasnang pormula ng mga dramang siyang dinudumog ng madla. At tradisyong ito na rin ang nagpasikat na bigla sa mga di-kilalang Pilipinong umangkop sa mga istiryotipong papel para sa mga istoryang matanda pa sa humukay sa ilog.

No comments:

Post a Comment