Monday, November 28, 2011

Masaya ang may Palabas


Masaya ang may Palabas


Aliw ang katangiang pinakahanap-hanap ng masa sa mga dulang napanood nila sa panahon ng Kastila, at maging sa panahon ng Amerikano. Noon, tulad ngayon, nasusumpungan ang aliw sa mga sumusunod na sangkap ng dula: bakbakan, iyakan, sayawan, kantahan at tawanan.

Noong panahon ng Kastila, dinumog ng mga taumbaryo ang mga komedya (na karaniwang tumatagal nang tatlo hanggang siyam na araw), dahil sa mga batalya, o labanan, ng mga prinsipe at/o prinsesa, at "ehersito" ng mga kahariang Moro at Kristiyano. Halos kalahati ng kabuuang oras ng pagtatanghal ng komedya ang inilalaan sa mga batalyang pasayaw, na sinasaliwan ng "karanasang" tinutugtog ng musikong bumbong.

Ito'y di dapat pagtakhan pagkat karaniwan nang ulitin o pahabain kaya ang labanan, lalo't kung "nasarapan" o kinagiliwan ng manonood ang nakatutuwa o kakaibang paraan ng pakikibaka ng prinsipe o prinsesa, sa punyal, espada o sibat. Masusukat ang pagkagiliw ng manonood sa labas ng isang personahe, sa kanilang tilian, sigawan, palakpakan, o sa barya at regalong pinauulan sa entablado.

Sa kabilang dako, tawanan at iyakan naman ang uri ng aliw na inihahain ng sinakulo sa taumbaryo. Dahil maaaring "dagdagan" at "imbentuhin" ang katauhan at gawain ng masasamang tao sa sinakulo (erehe ang humipo man lamang sa tradisyunal na paglalarawan kay Kristo at mga banal), tunay na kinagigiliwan ang mga kontrabidang tulad ni Hudas na umiindak at kumakanta ng usong himig na naririnig sa radyo, habang pinagbibili niya si Kristo, at pati na si Barabas, na pinasasayaw na parang malimali ni Dimas. Sa kabilang dako, naaaliw din ang kababaihan sa kanilang pagluha't pakikiramay kapag hinahampas, tinatadyakan at sinasampal na ng Hudyo si Kristo.

Ang sarsuwela naman ang humubog at nagpatatag ng hilig ng masang manonood sa mga awitan at sayawan. Ang kundimang inaawit ng magsing-irog sa "ilaim ng punong manggang" nakapinta sa telon, ang balseng sinasayawan ng mga personaheng mag-aaliw sa "bukid," ang dansa o tanggong halos isigaw ng nagyayabang na binata, ang balitaw na ginawang sagutan ng dalawang nagpapatawang utusan–ito ang mga sangkap na ipinagtagumpay ng sarsuwela at siyang lumikha ng unang mga superstar na tulad ni Atang de la Rama.


Sa kabilang dako, kakaibang aliw naman ang hangad ng manonood ng drama, alalaong baga'y yaong uri ng aliw na pinadadama ng namumugtong mata at "nagtutubig" na ilong. Kinagiliwan ng masokistang manonood ang paghagulgol sa mga istoryang de-kahon, na lagi nang umiinog sa maganda-ngunit-mahirap-na-kasamang-dalaga, na "nilalampaso"ng mapanlait na salita ng donya, o sa uhuging musmos na kinukurot at sinasabunutan ng makikiring madrasta, o sa mahihinhing lalaking lagi nang niyayanig ng tisikong ubong wari'y lalansag sa manipis niyang dibdib, o sa taos-kung-umibig-na-dalagang tumalikod sa mayamang magulang, upang "sundin ang tibok ng kanyang puso," at ngayo'y lapnos na ang manipis na kamay sa paglalabada.

Sa panahon ng Amerikano, lalo pang pinaanghang ng bodabil at stage show ang mga sangkap na kinagiliwan sa mga nasabi nang dula. Pinadami at ginarbuhan nito ang mga awit at sayaw ng sarsuwela, at dinugtungan pa mandin ng makabagbag-damdaming drama. Sa gayo'y lalo pang namihasa ang manonood sa tradisyon ng ngawaan at ngisngisan.

Ngunit, bago pa man dumating ang mga Kastila’t Amerikano, ay may sarili na tayong paraan ng pag-aaliw. Hindi maikakaila ang pagkahumaling natin sa katatakutan at kababalaghan o pantasya, na siyang nag-ugat sa mga kwento ng ating mga ninuno – kasama na rito ang mga halimaw na tulad ng aswang, kapre, tiyanak at nuno. Ang mga ito ay bahagi ng pasalindilang panitikan na kung hindi man pinaniniwalaan ay siya namang nakaeengganyo sa mga tagapakinig. Ang mga alamat at epiko nating mga Pilipino, pati na rin ang mga kababalaghang bumabalot sa ilang mga lugar sa ating paligid, ang siyang nagbigay-daan sa pagkahumaling ng mga manonood sa mga pelikulang may kaparehong paksa.

Ngunit sa pagdaan ng panahon ay tila may ilang nag-iba. Kung ang mga ito’y nananatiling totoo hanggang ngayon sa mga programa sa telebisyon, pagdating sa mga pelikula, halimbawa, mas sumisikat na ang paulit-ulit na tema ng pagtataksil katulad na lamang sa “No Other Woman,” “My Bestfriend’s Girlfriend,” at “In Your Eyes.” Mas dumadalas na rin ang mga babaeng palaban, o kung hindi man ay bahagi ng gitnang uri ng lipunan, hindi katulad ng nakasanayan na kung hindi man napakahirap, ay siya namang napakayaman. Tumutulo rin ang ating mga luha para sa mga inang lagi na lamang naghihirap, o di kaya nama’y inaayawan ng kanilang mga anak.

Sa kabila nito, marami pa rin ang nananatiling totoo. Bagaman wala nang umaawit ng kundiman ngayon sa mga pelikula, ang sarsuwela ang masasabing nagpasikat sa mga mang-aawit tulad nila Sarah Geronimo at KC Concepcion na pumatok sa takilya nang sila’y naging bida sa mga pelikula, at sa pasayaw na paggalaw ng mga tauhan sa iba’t ibang nakakatawang pelikula.

Ninanais din makita ng mga manonood ang mga nakakatindig-balahibong nilalang, katulad ng mga naikwento ng kanilang mga magulang, lolo’t lola, maging ng kanilang kanunununuan. Katulad naman ng mga bida sa epiko, ang panonood ng pakikipagsapalaran ng isang bida, katulad ni Vic Sotto sa “Enteng Kabisote,” sa isang daigdig na ibang-iba sa ating kinagisnan – may mahika at mga diwata – ay nagbibigay aliw sa mga manonood.

Masasabing nag-iba na ang ating panlasa, ngunit mas akmang sabihing lumawak lamang ito nang kaunti sapagkat hanggang sa ngayon ay naiimpluwensyahan pa rin tayo ng mga elemento ng sarsuwela, sinakulo, stage shows at mga mito – mahilig pa rin tayo sa mga tawanan, iyakan, sayawan, kantahan, katatakutan at bakbakan na may halong kababalaghan. Tila may pormula pa rin sa pangingiliti sa ating mga manononood. Nasasanay ang mga manonood sa mga pelikulang ito – ang tiket na kanilang binibili upang manood sa mga pelikulang ito ang siyang nagiging tiket nila sa panandaliang aliw dito sa mundong kanilang ginagalawan at nais takasan.


No comments:

Post a Comment