Monday, November 28, 2011

Anong Sama ng Aliw?


Anong Sama ng Aliw?

Ngunit ano naman ang sama sa pag-aaliw? Wala. Pagkat kung tutuusiý aliw namang talaga ang nilalayon ng lahat ng uri ng sining, alalaong baga ’yang pagpupukaw sa damdamin ng tao, damdaming maaaring sukatin sa luha, ngiti o adrenalin. Aliwang sinisipat ng lahat ng anyong pansining, at siyang ikinabubuhay at ikinatatampok ng mga ito.

Isa pa, hindi naman aliw sa pangkalahatan ang ating pinupuntirya rito, kundi yaong uri ng aliw na ipinapahayag ng katagang “palabas”. Ito ang aliw na walang iniwan sa engkantong naglilipag sa manonood sa daigdig na ginagalawan niya. Ito ang aliw na nagsilbing lagusan para sa palatakas, ang aliw nalaging papalabas at walang panahong umarok at kumilatis sa panloob na halaga ng tao’t alin man, ang aliw na hindi nagdidili-dili at lalong hindi nagsusuri.

Mahirap sukatin ang pinsalang nagagawa ng pagpapahalaga natin sa aliw. Walang kaunlarang maaasahan sa mga taong umuupo lang at manood ng pelikula kaysa lumabas at gumawa ng pagbabago. Paano ba uunlad ang ating bansa, kung ayaw harapin ng Pilipino ang mapapait na katotohanan ng kanyang lipunan, kung lagi na lamang siyang nagkakandarapa sa mga palabas na panay iyakan, kiligan, tawanan, sigawan at “kakornihan.”

Papaano malulunsad at maglalayag ang ating pasiya tungo sa pagbabago, kung lagi na lamang napapahupa at napanlalamig ang ating galit at alab sa dilim at gayumang mga sinehan.

Kung opyo and simbahan para sa mga “Indio” noong panahon ng Kastila, opyo ring matatawag ang sinehan para sa ating mga kababayan ngayon, bagama’t ang huliý higit na malakas pagkat higit itong laganap at kagiliw-giliw.

Ngunit di natin iminumungkahi na patayin na lamang at sukat ang tradisyon ng aliw. Ito ang pagkakamaling kinabalahuan ng ilang kabataang director na ibig gumawa ng pelikulang “de-kalidad”. Tanging iminumungkahi rito ang pagpapalawak at pagpapayaman sa kahulugan ng katagang aliw.

Iminumungkahi naming na ang luhang ngayo’y rumaragasa sa ating mga pisngi dahil sa mga suliraning kinakaharap ng tambalang Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz sa kanilang mga pelikula ay tumulo sanang “papaloob”, sa paraang banayad at mapait, dahil sa pakikiramay ng manonood sa makatunayang tauhan at mga sitwasyon.

Gayundin naman, ang tawang pinagbubunghalit sa manonood ng mag-bespren nina Eugene Domingo at Ai-Ai de las Alas ay bumukal naman sana sa pagisisiwalat sa kawalang-katwiran ng mg bisyo o sakit o kabaliwan ng tao at ng lipunang Pilipino.

At ang adrenalin na ngayo’y inaaksaya natin sa pagsubaybay sa kagilagilalas na pakikipagsapalaran ni Bong Revilla bilang Panday ay mabubuo naman sana sa pakikiisa sa mga taong nagdaranas ng makatunayan at makabuluhang uring pakikibaka.

Sa gayon, uunlad ang kahulugan ng aliw, at magbubunga ito ng catharsis na hindi makapagpapahupa kundi manapa’y makapagpapataas sa ating pagkaunawa sa ating lipunan at makapagpapaalab pang lalo sa ating pagpapasiyang baguhin ang bulok na lipunan.

No comments:

Post a Comment