Ang sanaysay na "Si Kristo, Ronnie Poe, at Iba Pang 'Idolo': Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino" ay orihinal na katha ni G. Nicanor Tiongson noong 1979. Ilang dekada na ang dumaan, ngunit ang nakararami sa mga argumento na matatagpuan dito ay nananatiling totoo. Upang maibahagi sa henerasyon ngayon ang sanaysay na ito, minarapat naming baguhin ang ilan sa mga halimbawa at dagdagan at bawasan ang mga argumento upang mas sumalamin sa mga pelikulang Pilipino ngayon. Ang orihinal na teksto ng mga argumentong aming binago ay maaaring matagpuan sa http://tinyurl.com/pelikulaorig. Ang buong teksto nama'y matatagpuan sa Burador, pahina 57-72.
Si Kristo, Ronnie Poe, at Iba Pang “Idolo”:
Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino
ni Nicanor G. Tiongson
binago nina Gianna Ganal, Joaoie Pascual, Bogs Sularte at Charlene Tolentino.
Hindi mapasusubalian ninuman na ang pelikula ang siya nang isa sa mga pinakapopular na broadcast medium sa Pilipinas ngayon. At wala nang higit pang mabisang patunay dito kundi ang mga sinehan na ring namumutiktik sa mga siyudad at patuloy na nagsusulputan ngayon sa iba’t ibang bayan ng Sangkapuluan, mula Aparri hanggang Jolo. Utang sa pelikula ang pagiging institusyong pambansa ni Nora Aunor, ang patuloy na pagsikat nina Vice Ganda at Vic Sotto at pati na ang napakabilis na paglaganap ng wikang Pilipino. Ano pa nga’t kung halaga rin lamang pag-uusapan ay masasabing hinalinhan na ang sinehan sa ating panahon ang simbahang siyang iniungan ng buhay ng ating mga ninuno noong panahon ng Kastila.
Kung gayon na nga kasidhi ang pagkahumaling ng Pilipino sa pelikula, karampatan lamang at napapanahon na, na ating suriin ang mga values o pagpapahalagang matatagpuan sa at pinalalaganap ng pelikula. Sapagkat, sa ayaw nati’t sa gusto, ang mga pagpapahalagang ito, at pati na ang pananaw na kaakibat ng mga ito, ang siyang humuhubog at patuloy na humuhubog sa kamalayan ng karaniwang Pilipino sa ating panahon.
Kung pakasusuriin ang samo’t saring pelikulang pinag-ubusan natin ng popcorn at sweldo sa mga nakaraang taon, tila lumalabas na ang pagpapahalagang matatagpuan sa ating mga pelikula ay yaon pa ring mga negatibong pagpapahalagang namana ng pelikula sa tradisyunal na mga dulang pinaghanguan o pinaghiraman nito ng paksa, pamamaraan, at pati na pananaw. Sa mga pagpapahalagang ito, ang apat na masasabing pinakalaganap, pinakamatatag, at pinakamapaminsala ay maipapahayag sa mga susunod na pangungusap: Maganda ang Maputi, Masaya ang may Palabas, Mabuti ang Inaapi at Maganda pa ang Daigdig.
No comments:
Post a Comment